Isang 19-taong gulang na graduating college student ang pinatay ng hindi pa nakikilalang suspek sa Naic, Cavite.
Natagpuan ang mga labi ni Mitchie Tolentino Araña nitong Biyernes sa isang ginagawang subdivision, ayon sa ulat sa News TV Live nitong Linggo.
Hinihinalang ginahasa muna ang biktima dahil nakitang nakataas ang kamiseta nito at walang saplot pang-ibaba.
Ang katawan ng biktima ay tinakpan ng putik, mga dahon at mga sanga.
Nakita lamang ito ng isang residente nang may mapansing isang daliri na nakalitaw.
May tali ring nakita na hinihinalang ginamit pangbigti sa biktima.
Nakatakda sanang magbe-beinte anyos ang biktima sa Nobyembre 7.
Ayon sa ina ng biktima, hindi siya umuwi noong Miyerkoles matapos magpunta sa isang computer shop.
Nananawagan ng hustisya ang pamilya ng biktima.
Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang krimen. —KG, GMA News