May mga pasa sa mukha at halos hindi na maidilat ng isang tatlong-taong-gulang na bata ang kaniyang mga mata dahil umano sa tinamong pananakit na inabot niya sa kinakasama ng kaniyang ama sa Bacoor, Cavite.
Sa ulat ni Oscar Oida sa "24 Oras" nitong Martes, makikita hindi na halos maidilat ng biktima ang kaniyang dalawang mata dahil sa labis na pamamaga at pasa.
Sa video na kumakalat na rin sa social media, tinuro ng paslit ang kaniyang madrasta na si Berna Espina, na pitong buwang buntis, na siyang gumawa umano ng pananakit laban sa kaniya na naganap noong Agosto 8.
"Sino nambugbog sayo?" tanong ng tiyahin ng biktima sa bata.
"Berna," sagot naman ng bata.
Tinanong rin ang bata sa video kung binubugbog ba siya ng kaniyang ama na si Melvin De Vera, at sumagot siya ng, "Oo."
Nalaman lamang ang sinapit ng bata sa kamay nang dalawin ng lola na si Minerva Ramos ang kaniyang apo.
"Pagkita ko po magang-maga na 'yung mukha ng bata, 'yung parang ano hanggang dito 'yung mga black eye niya. Ang dami sabi ko, 'Melvin anong nangyari sa bata, bakit nagkaganyan?' Kung hindi pa ko pumunta, hindi ko pa malalaman na ganyan na ang apo ko," saad ni Ramos.
Sa Facebook naman nakita ng ina ng bata na si Marimar Kilap-kilap ang sinapit ng kaniyang anak na mahigit dalawang taon na niyang hindi nakakasama.
Kuwento ni Kilap-kilap, sinasaktan daw siya noon ng ama ng bata. Umalis ito sa kanila at pumunta sa Cavite kasama ang kanilang anak.
"Nananakit po kasi si Melvin eh. Nung gabing sinaktan po ko, binitbit niya po 'yung anak ko. Kukunin ko po sana 'yung bata, wala na po sila doon nasa Cavite na," sabi ng ginang.
Labis rin ang galit ni Kilap-kilap kay Berna dahil sa ginawa nito sa anak na nagdulot pa nang pagkabali ng kaliwang braso ng bata.
"Berna, grabe naman ginawa mo sa anak ko. Gusto mo pala ng jombagan, 'di na lang ako hinamon mo may laban pa. Di 'yung anak ko, ang liit-liit noon eh," hinanakit ni Kilap-kilap.
Mariin namang itinanggi ni Berna na binugbog niya ang bata. Paliwanag niya, napalo lamang daw niya ito at aksidente lamang daw ang nangyari.
"Napalo ko po pero hindi ko po siya binugbog. Paggising ko po may tubig na umaapaw tapos nagmadali po kong hanapin siya tapos nakita ko po siya nasa CR. Ayaw niya pa po ko papasukin, sabi ko 'Be papasok si Mama.' Tapos napalakas ko po 'yung tulak nung pintuan kaya po siguro nauntog," paliwanag ni Berna.
Inamin naman niya na naaapektuhan na raw siya ng mga panlalait na natatanggap niya sa social media dahil sa kumalat na video ng bata.
"Ang masasabi ko lang po sa inyo, bago kayo manghusga, isipin niyo po muna kung totoo ba 'yun," sabi ni Berna.
Inihahanda na ng mga awtoridad ang kasong paglabag sa Republic Act No. 7610 o physical abuse in relation to child abuse laban kay Berna subalit hindi raw nila ito agad maaaresto.
"Kasi po sa initial namin na investigation, August 8 pa po nangyari kung baga ilang araw na po nakalipas, 'di na po papasok doon sa puwedeng arestuhin 'yung tao," sabi ni Senior Police Officer 3 Mary Grace Bendulo.
Para naman kay Kilap-kilap, nais din niyang sampahan ng kaso ang dating kinakasama na si Melvin.
"Dahil po sa kapabayan ni Melvin sa anak ko, gusto ko makulong din siya eh. Binubugbog na pala anak niya di niya man lang pinagbigay alam sa akin," sabi niya.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development ang bata. -- FRJ, GMA News