Isang compound na animo'y tambakan ng basura ang pinamumugaran ng mga daga sa lungsod ng Maynila.

Ayon sa ulat ni Cesar Apolinario sa Balitanghali nitong Miyerkoles, ang mga dagang ito ang nagdudulot ng leptospirosis sa mga residente ng Aroma Compound, lalo na't may pagulan at pagbaha.

Ang leptospirosis ay isang sakit na nakukuha mula sa ihi at dumi ng daga.

"Natatakot din po lagi kaming kinakagat..." sabi ng isang residente.

"Sanay na tao dito, Sir," dagdag ng isa pang residente.

Sa kabila ng panganib na dulot ng leptospirosis, tuloy pa rin ang mga bata sa paglalaro sa daan kahit sila pa ay nakayapak.

Bukod sa mga buhay na daga, nagkalat din ang mga patay na daga sa masukal na lugar.

Patuloy naman ang paglilinis na ginagawa ng lokal na pamahalaan para masugpo ang mga dagang ito.

Kinukumpuni na rin ang mga baradong kanal sa lugar upang maiwasan ang pagbaha, ayon sa ulat.

"Ang paborito ng mga dagang pamugaran ay basura so kung may basura, umulan, nagbaha, nandiyan ang posibilidad ng leptospirosis. Sana pagsikapan nilang itabi at ligpitin ang mga basura na 'yan," sabi ng isang opisyal. — Anna Felicia Bajo/RSJ, GMA News