Mahigit P2 milyong halaga ng mataas na uri ng marijuana na nagmula umano sa Mountain Province at isinilid sa telebisyon ang nasabat ng mga tauhan ng Quezon City Police District sa ikinasang operasyon noong Biyernes.
Ayon kay QCPD Director Police Chief Superintendent Joselito Esquivel Jr., nagsagawa ng stakeout operation ang pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit, District Intelligence Division (DDEU-DID) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) bandang 6 p.m. noong Hunyo 27 sa CODA Bus Line Corporation sa 1365 Total Gasoline Station, E. Rodriguez, Sr. Ave.
Ikinasa ang raid matapos silang makatanggap ng impormasyon tungkol sa nasabing kahon ng marijuana, na ipadadala sa pamamagitan ng CODA Bus Liner.
Nakapangalan ang kahon sa isang Apollo Anaiz.
Ngunit bandang 11 a.m. noong Biyernes, nakatanggap ng text message ang pamunuan ng CODA mula sa umano'y may-ari na nag-utos na ibalik ang kahon sa Mt. Province at babayaran niya ang shipping charges sa pamamagitan ng money remittance service.
Dito na kinuha ng mga operatiba ang kontrabando at natuklasan nila ang mataas na uri ng marijuana.
Patuloy ang imbestigasyon sa pagkakakilanlan ng mga nasa likod ng ilegal na droga.
Serye ng anti-crime ops
Samantala, 19 drug suspects ang naaresto sa magkakahiwalay na anti-crime at anti-drug operations ng QCPD.
Sa pangunguna ni Superintendent Alex Alberto, inaresto ng mga taga-Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa kanilang Simultaneous Anti-criminality Law Enforcement (SACLEO) nitong Sabado bandang 1:30 ng umaga sina Alex Orosco, 20; Romulo Colis, 20; Jomar Jove, 31; Maritess Yonson, 33; Crisjay Cabuhat, 27.
Lahat sila ay mga residente ng Barangay Culiat at mga nahuli sa aktong pagbatak ng shabu sa No. 1 Metro Height Compound. Nakuha rin sa kanila ang dalawang sachet ng shabu at drug paraphernalia.
Naaresto din bandang 1 a.m. ng SACLEO sina Roy Fernandez, 38, ng Brgy. Commonwealth at Ferdinand Pantinople, 28, ng Brgy. Payatas sa kahabaan ng Madjaas St., Brgy. Payatas B., na mga nahuling nakikipagtransaksyon. Nakumpiska sa kanila ang tatlong sachet ng shabu.
Samantala, dakong 5:05 a.m., inaresto ng SDEU operatives ng Cubao Police Station, sa pamumuno ni Supt. Giovanni Hycenth Caliao si Chester Jalandoni, 29, sa kahabaan ng Pariseo alley corner Zambales St., San Martin De Porres, Cubao. Nakuha ang apat na sachet ng shabu at buy-bust money sa suspek.
Noong Biyernes, 10:30 ng umaga, inaresto ng BPSOs ng Brgy. Commonwealth at iniharap sa Batasan Police Station 6 sa ilalim ni Supt. Joel Villanueva sina Edward Abaya, 35, ng Rodriguez, Rizal at Joselito Pacpaco, 29, ng Brgy. Holy Spirit.
Nadakip sila sa harap ng apartelle sa Commonwealth matapos silang mahuli ng mga BPSO na nag-aabutan ng sachet ng shabu. Nakuha sa kanila ang tatlong sachet.
Arestado rin sa buy-bust dakong 7:15 ng gabi sina Nicole Dural, 22, ng Brgy. Botocan, at Gilbert Aquino, 39, ng Brgy. Kalayaan, parehong miyembro ng Sputnik Gang.
Nakumpiska sa kanila ng Project 4 Police Station 8 sa ilalim ng Supt. Ophelio Concina ang tatlong sachet ng shabu at buy-bust money sa Building 02 Bliss, Area 6, Brgy. Botocan.
Noon ding Biyernes, dakong 9:30 ng gabi, arestado sina Roger Dalugdog, 34 at Rowena Berdan, 37, parehong tulak umano ng droga sa lugar; Ana Rose Quijano, 26, at Shirley Seryoso, 53, lahat mga residente ng Novaliches.
Nadakip sila ng mga operatiba ng PS 4 sa Gen. Luis St., malapit sa Nova Food Park, Brgy. Nag-kaisang Nayon, Novaliches. Nakumpiska ang 11 sachet ng shabu, isang bukas na sachet ng shabu, 24 pirasong P1,000 "boodle" at buy-bust money.
Biyernes naman ng 10:40 p.m., inaresto ng Kamuning Police Station 10 police sa pamumuno ni Supt. Louise Benjie Tremor sina Mark Anthony Valenzuela, 24, ng Nueva Ecija; John Oliver Blando, 21, ng Isabela at Ed Labaguez, 42, ng Batasan Hills.
Nadakip sila sa barracks sa kahabaan ng Mapagbigay St., corner Malaya St., Brgy. Central matapos makatanggap ang pulisya ng impormasyon mula sa isang concerned citizen tungkol sa ilegal na aktibidad ng mga suspek.
Nang makumpirma, nahuli ng mga pulis ang mga suspek sa akto ng pagbatak. Nakuha sa kanila ang isang sachet ng shabu, isang unsealed sachet na may mga bakas ng shabu, at mga drug paraphernalia.
Nahaharap ang mga suspek ng paglabag sa R.A. 9165 o the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —Jamil Santos/LBG, GMA News