Malalaman ang tunay na samahan ng magkakaibigan sa panahon ng kagipitan. At ipinakita ito ng mga magkakatropa sa Quezon City nang sagipin nila ang isa nilang barkada na biglang nawala hanggang sa nakita nilang "taong-grasa" o palaboy na sa lansangan.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing naging usap-usapan online ang video na ipinost ni Youscooper Jhun Mahinay, habang tinutulungan ng magkakaibigan ang isang taong-grasa na nasa gilid ng daan sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Matapos nilang kumustahin ang lalaki, binigyan nila ito ng pagkain at inalok na sumama sa kanila.
Ang naturang palaboy na lalaki, napag-alamang kaibigan din ng grupo na matagal na nilang hindi nakikita.
Taong 2009 daw nang huli nilang nakita ang kanilang kaibigan.
Dahil may kani-kanilang trabaho, nawalan sila ng komunikasyon sa kaibigan na nabalitaan nilang nagkasakit hanggang sa may isa pa silang kaibigan na nakakita sa kaniya na palaboy na sa kalye.
Nitong nakaraang linggo, nagkasundo ang magbabarkada na puntahan ang kanilang kaibigang naging palaboy upang tulungan.
Bagaman hindi umano nakapagsasalita ang kanilang kaibigan para malaman kung ano ang nangyari sa kaniya, nakikita naman nila ang reaksyon nito sa pag-iyak.
Sa ngayon, pansamantalang tumutuloy ang lalaki sa lugar ng kaniyang kaibigan. Pero hangad nila na may makatulong din sa kanila para maipasuri ito at nang mabigyan ng kailangang atensyong medikal. —FRJ/KG, GMA News