Tadtad ng saksak sa leeg at wala nang buhay nang matagpuan ang isang lalaki sa loob ng sako sa Tondo, Manila nitong Martes ng hatinggabi.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa 24 Oras, kinilala ang biktima na si Alexander Labador, isang jeepney driver.

Mga batang nangangalakal daw ang nakakita sa bangkay ni Labador sa madilim na bahagi ng Road 10.

"Sabi may patay doon. Nag-alangan din ako. Wala namang ano... tahimik, tuloy-tuloy naman ang takbo ng mga truck eh sinamahan ko kung totoo talaga na diyan lang itinapon," sabi ni Genaro Tabada, barangay tanod.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, nadiskubre na pinatay pala ang biktima sa Caloocan matapos itong masangkot sa isang alitan.

Sinugod at sinuntok daw ni Labador ang kapwa jeepney driver na nagmamaneobra sa kalye ng A. Mabini. Hindi pa malinaw kung bakit ito ginawa ni Labador.

Ang kasamang konduktor daw ng driver ang bumaril kay Labador. Agad na tumakas ang mga suspek kasama ang biktima.

Ayon sa pulisya, marahil ay buhay pa noon si Labador kaya nagawa pa rin siyang saksakin ng mga suspek.

"Doon sa jeep na 'yun, habang ito'y tumatakas lulan ng nasabing biktima... maaaring along the way ginawa ang pananaksak," sabi ni Superintendent Ferdinand Del Rosario, spokesman ng Caloocan police.

Hindi pa nakikilala ang mga suspek subalit narekober naman ang jeep na ginamit sa pagbyahe sa biktima mula Caloocan patungong Tondo.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon tungkol sa insidente lalo't hindi pa alam ang tunay na motibo sa pagpatay kay Labador na biktima na rin pala ng pambubugbog tatlong linggo na ang nakakaraan.

"Dahil narecover na natin 'yung jeep na kinalulunalan ng suspects at ng biktima kaya magkakaroon na po tayo ng linaw, ma-a-identify na natin sino ang mga gumawa nito," ayon kay Del Rosario. —Anna Felicia Bajo/NB, GMA News