Aabot ng 12 pamilya ang nawalan ng bahay sa sunog sa Barangay Quirino 2-A, Quezon City Huwebes ng gabi, ayon sa ulat ni Mav Gonzales sa Saksi.
Nagsimula ang apoy ng bandang alas-otso ng gabi sa isang paupahang bahay sa Bignay Street, at dahil luma na ito at gawa ito sa kahoy mabilis itong nilamon ng apoy.
Nadamay pati ang dalawang bahay na katabi nito.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog.
Walang naisalbang gamit ang mga nakatira sa paupahang bahay.
Nasaktan ang isang residente matapos tumalon ito mula sa isang bintana.
Mag-aalas nuwebe na nang ideklarang fire out.
Samantala, iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog. —BAP/KG, GMA News