Inaprubahan na sa ikalawang pagbasa sa Kamara de Representantes ang panukalang batas na nagpapataw ng mas mabigat na parusang pagkakakulong nang hanggang 25 taon sa mga mahuhuling nambabato ng matigas na bagay sa mga umaandar na sasakyan.

Sa House Bill 7163, na iniakda ni Majority Leader Rodolfo Fariñas, nakasaad ang mga magiging parusa sa mahuhuling nambato ng matigas na bagay tulad ng bato, bakal, kahoy at iba pa, depensa sa pinsalang matatamo ng sasakyan at sakay nito.

Kung may masasawi dahil sa ginawang pambabato, makukulong ng hanggang 25-taon at multang P100,000, ang mahuhuling nambato. Maliban pa rito ang pananagutan niyang sibil.

Limang taon na pagkakakulong naman at multang P15,000, bukod sa civil liabilities sa medical expenses at rehabilitation, ang parusa sa nambato kung may nasaktan sa insidente.

Samantala, kung napinsala lang ang sasakyan, dapat itong ipagawa ng nambato, bukod pa sa pagkakakulong ng isang taon at multang P10,000.

Sinabi ni Fariñas sa kaniyang panukala na dapat matigil na ang pambabato sa mga sasakyan na nagreresulta sa aksidente.

"By penalizing the act of throwing stones and hard object at vehicles and providing stiff penalties for the crime, people will be forewarned of the consequences of such crime thereby serving as deterrent to future wrongdoers," paliwanag ng kongresista.

"Thus, the wellbeing of the travellers as well as the drivers and owners of the vehicles is ensured," dagdag niya. — FRJ, GMA News