Nakaligtas ang isang lalaking nahagip ng sasakyan ngunit namatay ang babaeng kasama nitong naaksidente sa Barangay 184, North Caloocan pasado hatinggabi ng Huwebes.
Ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita, nakaladkad pa ang babaeng 'di pinangalanan ng delivery truck na may dalang baboy na nakasagasa nito sa Quirino Highway.
Sinubukang habulin ng mga rider ang truck na may plakang WST 767, na siyang umano'y umatras pa bago kumambyo paalis.
"Hinabol po namin. Ngayon po, pagdating namin ng Fatima, doon po namin siya nakita," ayon kay Jomar Regalario, isa sa mga rider na humabol sa suspek.
Hindi raw magkakilala ang babae at lalaking nasagasaan, ngunit nakita silang nag-aaway ng saksing si Arnold Macuja.
"Magkasama sila doon sa isang sulok, sa may 7-11. Tapos nagtatalo-talo silang dalawa," sabi ni Macuja.
Iniimbestigahan ng Caloocan City police ang nasabing insidente. —Rie Takumi/KG, GMA News