Isa na namang insidente ng magtataho ang "nabundol" ng sasakyan pero hinihinalang sadyang ibinangga ng biktima ang kaniyang sarili sa sasakyan sa Maynila.
Sa kuha ng CCTV camera sa Moriones St. sa Maynila, makikita ang lalaking may bitbit na taho habang nakatayo sa gilid ng kalsada habang walang dumadaan na sasakyan.
Ilang saglit pa, nagsimula na siyang maglakad sa gitna ng kalsada nang may mga sasakyan nang dumadaan.
Isang puting SUV din ang dumaan na doon na bumangga ang magtataho sa huling bahagi ng sasakyan na naging dahilan para tumapon ang taho at natumba ang lalaki na nagpagulong-gulong pa.
Ayon kay YouScooper Lea Chua, nais sanang dalhin ng driver ng SUV ang lalaki na may dalang taho sa ospital ngunit tumanggi raw ito kaya nagpa-blotter na lamang sila sa barangay.
Dagdag niya, noong una ay nais daw ng lalaki na magpabayad sa driver ng SUV pero nang makita ang CCTV video sa nangyarihang insidente tumanggi na siya.
Gayunman, nagbigay umano ng P500 ang driver ng SUV ang lalaki dahil sa natapon na taho.
Noong nakaraang buwan, may nag-viral ding video ng isang lalaki na may bitbit na lalagyan ng taho ang tila ibinangga ang sarili sa isang sasakyan at nagpagulong-gulong sa kalsada.
Pero sa walang taho na natapon dahil walang laman ang bitbit niyang lalagyan. --FRJ, GMA News