Pinaghahanap na ng mga pulis sa Maynila ang ang babae na nagbigay umano ng nakalalasong inumin na ikinamatay ng isang lalaki sa birthday party sa Sampaloc, Maynila. Ang inakalang alak na bigay umano ng babae, likidong ginagamit sa sasakyan at sa pag-embalsamo.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing nahilo at nagsuka ang mga nakainom ng "methanol" na inakalang alak sa ginanap na birthday party ng nasawing biktima na si Jonathan Ravela, 21-anyos.

Sa death certificate ni Ravena, lumitaw na acute respiratory failure na may kinalaman sa paghinga ang sinasabing ikinamatay ng biktima.

Nakaligtas naman ang tatlo pang kainuman ng biktima na itinakbo sa Philippine General Hospital.

Ang methanol ay liquid alcohol na ginagamit ng pang-embalsamo at pati na rin sa ilang sasakyan, at hindi ito iniinom.

Ayon kay John Paul Ner, toxicologist, East Avenue Medical Center, ang methanol ay maaaring magdulot  ng metabolic acidosis sa dugo na magiging dahilan para maging acidic na makaaapekto sa iba't ibang organs sa katawan.

Sinabi ng opisyal ng barangay na  batay sa nakuha niyang impormasyon, dumating ang suspek na bisita na may dalang tila plastik na botelya na katulad sa pinaglalagyan ng tubig ng baterya sa sasakyan.

Kuwento ng isa sa mga biktima, sinabihan sila na imported ang inuming ibinigay sa kanila na amoy gin pero malinaw na parang tubig.

Hinahanap at iniimbestigahan na ng Manila police ang isang babaeng bisita na posible umanong sinadyang lasunin ang mga biktima. -- FRJ, GMA News