Lantaran ang ginawang pagpaslang ng tatlong lalaki sa isang asset umano ng pulis na kanilang pinagbabaril kahit marami ang tao sa paligid sa Tondo, Manila. Ang biktima, nagawa pang makatakbo pero hindi nilubayan ng mga nakatakas na salarin.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita sa CCTV camera ng Barangay 86 sa Tondo, ang biktimang si Demetrio Sahagun habang may kausap na babae sa Francisco Street.

Hindi nagtagal, isang lalaki ang lumapit at malapitang binaril si Sahagun.

Pero nadaplisan lang umano ang biktima kaya nagawa niyang makatakbo. Ngunit dalawang lalaki pa ang humabol sa kaniya at nang abutan sa eskinita ay ulang ulit na siyang pinaputukan.

Ayon sa pulisya, isang tama sa ulo at lima sa katawan ang tumama sa biktima na naisugod pa sa ospital pero binawian din ng buhay.

Sa imbestigasyon,  nakilala ang tatlong suspek na sina John Marvin Gonzales,  Joey Aguilar Almin at JR Nicolas.

Hindi pa malinaw ang motibo sa krimen pero pawang "asset" umano ng pulisya ang biktima at ang mga suspek.

Wala ring maisip na dahilan ang magulang ng biktima para paslangin ang kaniyang panganay na anak.

Patuloy na pinaghahanap ng pulisya ang mga salarin.-- FRJ, GMA News