Palaisipan daw ang nangyaring pagkalas ng isang bagon ng Metro Rail Transit (MRT-3) mula sa tren na patungong northbound nitong Huwebes ng umaga, ayon sa mga opisyal na namamahala sa transport system.
Sa media briefing nitong Huwebes, sinabi ng mga opisyal na napahiwalay ang bagon pagdating sa gitna ng mga estasyon ng Ayala at Gil Puyat sa Makati.
Ayon sa makinista o drayber ng tren na si Reynaldo Año, nalaman niya na dalawang bagon na lamang ang hinahatak niya nang makarating sa Gil Puyat station.
Sinabi ni Año na tumawag siya ng security personnel at binalikan ang mga naiwang pasahero na kanilang inalalayan na maglakad pagbalik sa Ayala station.
Ayon pa sa mga opisyal ng MRT, wala pa silang natukoy na anumang mechanical fault sa isinagawang paunang pagsusuri sa paghiwalay ng bagon.
Tinitingnan daw nila ngayon ang posibilidad na "human intervention" sa nangyaring insidente.
"'Yung mechanical, hindi 'yan maghihiwalay ng sarili niya 'yan, iniimbestigahan pa namin," sabi ni Roel Jose, isang opisyal mula sa MRT's technical assistance division.
Sinabi rin ng isang MRT official na dapat ay awtomatiko nang nawala ang power ng train system dahil sa "communication problem" sa pagitan ng dalawang bagon.
"However in this incident hindi nangyari 'yon," sabi ni engineer Ricky Inotorio.
Ayon sa driver, isa raw itong "technical error" dahil tumakbo pa rin ang tren kahit lumabas na sa diagnosis panel ang signal na "communication error."
Sinabi ng mga opisyal na wala namang mga nasugatang pasahero sa nahiwalay na bagon.
Dahil sa sunod-sunod na aberya sa MRT, magpapatupad ang pamunuan nito ng bagong operating hours simula Biyernes.
Magiging 5:30 a.m. na ang pagbubukas ng biyahe sa mga istasyon ng tren mula sa dating 5 a.m. Ang closing time naman ay gagawing 10:30 p.m. mula sa dating 11 p.m.
Gagawin daw nila ito para mas magkaroon ng mas mahabang oras sa pagsusuri sa mga bagon.
Nilinaw pa ng pamunuan na sa kabila ng sunod-sunod na aberya, nananatiling ligtas na sakyan ang MRT.
Si Senador Grace Poe, iminungkahi na pag-aralan ng pamunuan ng MRT ang posibilidad na itigil na muna ang pagtakbo ng mga tren upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News