Nanghihinayang si Senador Grace Poe dahil nasayang umano ang P3.8 bilyon na ipinambili ng mga bagong bagon para sa MRT-3 na hindi pa rin napapakinabangan ng publiko.
Sa pagdinig sa budget ng Department of Transportation (DOTr) para sa 2018, sinabi sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News "Unang Balita," na ginisa ni Poe ang mga opisyal ng nabanggit na ahensiya kung bakit hindi pa rin nagagamit ang mga bagong bagon na Dalian trains na mula sa China.
"Ano ba talaga ang balak gawin ng DOTr para ayusin ang MRT-3? At saan nila ginamit ang pondo ng MRT-3 Capacity Expansion Program last year? Ano nang nangyari sa mga bagong trains na galing sa Dalian? Meron na bang napatakbo maski ni isa?" tanong ni Poe bunga ng naunang pangako na magagamit na ngayong taon ang mga bagon.
Bilang nagdedepensa sa hinihinging pondo ng DOTr, ipinaliwanag ni Sen. JV Ejercito na ang bigat ng 48 Dalian light-rail vehicles ay lampas sa "tolerance limit" ng riles ng MRT-3.
Ayon kay Ejercito, kaya lamang ng mga riles ang 926 kilograms, o dalawang porsiyento lamang ng mass ng Dalian trains. Tumitimbang ang Dalian trains nang hindi bababa sa 49,000 kilograms.
"Wala pa hong laman yung Dalian trains, yung mga bagon ay parang puno na ho sila, so there's an audit ongoing whether the tracks, the system can withstand the weight," ayon kay Ejercito.
Nitong nakaraang Abril, sinabi ni Transport Undersecretary Cesar Chavez na wala namang signalling system ang mga nabanggit na tren.
Binatikos naman ni Poe ang mungkahi na ayusin ang mga tren upang tumugma sa kapasidad ng riles.
"Malaki na kasing pagkakamali ito. Para bang ang ginagawa natin meron tayong sapatos na hindi kasya, tapos puputulin natin yung paa natin para magkasya doon," paliwanag niya.
Bilang tugon sa pahayag ni Poe na nagsayang ang gobyerno ng P3.8 bilyon para sa pagbili ng Dalian trains, ipinaliwanag ng mga opisyal ng DOTr na P526 milyon pa lang ang nababayaran sa ngayon.
Sinabi ni Ejercito na maaaring sampahan ng legal team ng DOTr ng reklamo ang mga nasangkot sa pagbili sa mga tren.
"The legal department of the DOTr is studying the option of filing cases against the officials who ordered or were responsible for the procurement of the said Dalian trains," ayon sa senador.
Ipagpapatuloy naman ng mga mambabatas ang mga deliberation sa P70.365 bilyon na hinihinging pondo ng DOTr para sa 2018. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News