Apat ang nasawi nang pagbabarilin ng mga hindi nakilalang salarin sa isang compound sa Old Balara, Quezon City. Ang dalawa sa mga biktima, dati na raw sumuko sa Oplan Tokhang.
Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing dead-on-the-spot sina alyas "Joey," "Bad Boy," at Jennifer o alyas "Taba," sa isang bahay sa Lauro Compound ng nasabing barangay.
Samantalang nagawa pang isugod sa ospital si alyas "Lului" ngunit hindi na umabot nang buhay.
Hindi naman makapagbigay ng detalye ang mga residente sa nangyaring krimen pero sinabi ng barangay na dati nang sumuko sa Oplan Tokhang sina Joey at Lului.
"Hindi po nagtuloy-tuloy 'yung mga pag-report nila dito sa barangay kaya po siguro ganyan po ang nangyari sa kanila. 'Yung dalawa po na biktima ay hindi po namin malaman kung taga-saan po sila," sabi ni Gil Garcia, desk officer ng Brgy. Old Balara.
Pahayag pa ng barangay, rumoronda sila nang may narinig silang mga putok kaya pinuntahan nila ang lugar.
Ilang lalaki ang nakita umano nila na lumabas mula sa isang eskinitang pinagmulan ng mga putok at umalis sakay ng isang van na walang plaka.
Pero hindi na umano sila nakalapit dahil na rin sa pangamba sa kanilang kaligtasan.
Patuloy umano ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang krimen.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News