Isang dalagita na ibinugaw ng isa pang teenager sa isang pari ang nailigtas ng mga pulis sa isang operasyon sa Marikina City.
Sa ulat ng 24 Oras nitong Sabado, nakilala ang inarestong pari na si Arnel Lagarejos, 55.
Nang maaresto si Lagarejos, nagpakilala itong "self employed" ngunit sinabi ni Senior Inspector Jacqueline Taa, hepe ng Women and Children's Protection Desk ng Marikina City Police station., na ang suspek ay isang pari.
Ikinasa ang entrapment operation nang magsumbong ang nanay ng isang 13-anyos na babae na umano'y ibinubugaw ng kaibigan na 16 taong gulang.
Sa Blue Wave Mall sa Sumulong Highway sa Barangay Sto. Niño inabangan ng mga pulis ang planong pagkuha sa dalagita ng isang parukya ng 16-anyos na bugaw.
Nakita ng mga pulis ang pagsakay ng dalagita at kaibigang bugaw sa isang kulay gray na Ford Explorer na may plakang TGO 350.
Nang papalapit na ang sasakyan sa isang motel sa Marikina City, agad itong hinarang ng mga pulis at inaresto si Lagarejos.
Kasong paglabag sa Republic Act 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act ang isasampa laban sa pari.
Samantala, mananatili muna sa pangangalaga ng Department Social Welfare and Development ang dalagita para mabigyan ng kaukulang tulong. —ulat ni Jamie Santos/ALG, GMA News