Arestado na ang isang babae na magnakaw umano ng kaha-de-yero ng kaniyang amo sa Las Piñas na naglalaman ng mga pera at alahas na aabot daw sa P3.5 milyon.
Ayon sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Rachelle Cabe, na sinasabing may nabiktima na rin umanong dating amo sa Quezon City.
Sinabi ng mga awtoridad na nakipag-ugnayan sa kanila ang naunang biktima ni Cabe nang mapanood sa balita ang ginawa nitong pagnanakaw sa Las Piñas.
Nakuha kay Cabe ang mga bank book, singsing, mamahaling relo at mga ATM card.
Nang araw na mawala ang vault, nakunan sa CCTV camera ang suspek at ang sinakyan nitong tricycle kung saan kapansin-pansin ang nakausling kargada na nakabalot sa tela.
Sinasabing dinala ni Cabe ang vault sa kaibigan nito sa Ibaan, Batangas at doon niya ito nagawang buksan.
Iginiit niya na wala siyang ibang kasama sa ginawang pagnanakaw.
Mula Quezon City, sinundo siya ng Las Piñas police upang harapin ang kasong nakahain sa kaniya.
Humingi naman siya ng patawad sa kaniyang mga naging biktima. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News