Mula sa pagiging dating waiter sa Pilipinas, nakipagsapalaran sa United Arab Emirates ang isang 37-anyos na overseas Filipino worker (OFW), hanggang pinalad sa pagtitinda ng binatog at nakapagpatayo ng bakeshop business.
Tubong-Gapan, Nueva Ecija si Darwin Garcia, na isang college undergrad, at unang napasabak sa trabaho bilang gym receptionist sa UAE.
Hanggang sa napansin ni Darwin na maraming Pinoy ang nasasabik o hinahanap-hanap ang mga classic Filipino food, at naisipan niyang magtinda ng binatog.
Ang binatog ay gawa sa pinakuluang mga butil ng mais na hinahaluan ng asukal at kinayod na murang niyog. Sinasamahan din ng gatas at kaunting asin kung nanaisin ng kakain.
“Nakita ko ang demand for classic Filipino foods dito sa UAE and yung pagiging unique at quality ng product namin na kami lang ang meron. Except sa maganda ang kita, masaya kami na nailapit namin sa mga OFWs ang mga pagkain na sa Pinas lang nila dati natitikman,” sabi ni Darwin.
Naging maganda ang negosyo ni Darwin, kasama ang kaniyang maybahay at isa nilang anak.
“Malakas po ang sales ng binatog dahil po kami lang meron nito dito and authentic po talaga. Galing Philippines po ang mais na gamit namin,” kuwento niya.
“Nagkaroon kami ng pamilya ko ng sariling bahay at lupa, at sasakyan,” dagdag ni Darwin.
Nagbukas umano si Darwin kamakailan ng branch sa Sharjah, na malapit sa Dubai.
“We have plans to open other branches across the emirates in the UAE,” saad niya.
Nagtungo si Darwin sa Dubai noong 2010 na may visit visa. Nagsimula muna siyang magtinda ng binatog online para alamin kung papatok ang kaniyang tinda.
“That time po, wala pang binatog sa Dubai. So, we tried selling online and ang dami pong orders kaya nagtuloy-tuloy na hanggang sa magkaroon kami ng shop,” pagbahagi ni Darwin.
Nagbukas ang unang tindahan ni Darwin ng binatog noong 2021 na may limang tauhan na OFWs din sa Satwa. Nagtitinda rin sila ng buko pie, at iba pang Pinoy comfort foods.
May iba pang OFWs sa Dubai ang tumigil sa kanilang mga trabaho at nagtayo ng sariling negosyo sa pagtitinda ng mga Filipino comfort foods gaya ng bibingka at taho.-- mula sa ulat ni Jojo Dass/FRJ, GMA Integrated News