Sold out ang "Hello, Love, Again" nina Alden Richards at Kathryn Bernardo na nagsilbing closing film sa 2024 Asian World Film Festival sa Los Angeles, California.
Sa ilang larawan na ibinahagi sa ulat ng Balitanghali nitong Biyernes, makikitang stunning sina Alden at Kathryn kasama pa ang ibang cast na rumampa sa red carpet.
"It's a huge honor. We are very grateful for the Asian World Film Festival for the opportunity. Being here, showcasing Filipino talent and the Filipino material is just so rewarding for us," sabi ni Alden sa isang panayam.
"This is a very, very important night for us Filipinos as well. Nakaka-proud to be part of something like this," sabi naman ni Kathryn.
Samantala, kinundena GMA Pictures at Star Cinema ang pamimirata ng "Hello, Love Again."
"Patuloy ang aming team sa pagtanggal ng mga ilegal na kopya ng aming pelikula," sabi ng Star Cinema at GMA Pictures sa isang pahayag.
"Ang Star Cinema at GMA Pictures ay kasalukuyang gumagawa ng mga legal na aksyon laban sa mga indibidwal na nakikiisa sa anumang uri ng pagbebenta, pagpo-post, at pagshe-share ng pelikula," dagdag nila.
"Ang sinumang mapatunayang lumabag ay haharap sa parusang aabot ng siyam (9) na taong pagkakakulong at pagmumultahin ng hanggang isang milyon at limang daang libong piso (Php 1,500,000.00)," ayon pa sa Star Cinema at GMA Pictures.
— Jamil Santos/ VDV, GMA Integrated News