Nasawi ang isang 67-anyos na babae matapos magbanggaan ang dalawang sports utility vehicles (SUVs) sa isang intersection sa Opol, Misamis Oriental. Ang driver na nakabangga, 17-anyos lang.

Sa ulat ni James Paolo Yap ng GMA Regional TV sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa intersection sa Barangay Bara dakong 10 pm nitong Miyerkules.

Sa CCTV footage, makikita na ilang beses pang nagpaikot-ikot ang SUV na sinasakyan ng nasawi matapos tamaan ng isang SUV na minamaneho ng isang menor de edad.

Bukod sa pagkasawi ng senior citizen dahil sa pinsalang tinamo sa ulo, sugatan din ang anim na kasamahan niya sa SUV, kabilang ang tatlong bata, na pawang dinala sa ospital.

“Nasa pinakagilid siya sa backseat, nasa gilid talaga siya ng pintuan which is doon mismo ang point of impact. Nahampas siguro ang kaniyang ulo,” ayon kay Opol police station investigator Police Staff Sergeant Daryl Cariliman.

Ayon sa pulisya, idinahilan ng menor de edad na driver na nasa kanilang kostudiya na hindi siya pamilyar sa lugar kaya hindi niya napansin ang intersection.

“Meron siyang non-professional driver’s license na ipinakita sa amin which is authorized naman siya sa pag-drive ng private vehicle,” ani Cariliman.

Desidido naman ang pamilya ng mga biktima na kasuhan ang menor de edad na mahaharap sa mga reklamong reckless imprudence resulting in homicide and multiple physical injuries. — FRJ, GMA Integrated News