Nadakip ang isa sa mga suspek sa pagpapasabog sa Mindanao State University (MSU) sa Marawi City noong Linggo, ayon sa militar.
Sinabi ni Armed Forces of the Philippines Public Affairs Office (AFP PAO) chief Colonel Xerxes Trinidad nitong Biyernes, na nadakip sa Barangay Dulay Proper sa Marawi City nitong Miyerkules ang suspek na si Jaffar Gamo Sultan, alyas Jaf at Kurot.
Isa umano si Sultan sa mga kasama ng isang alyas Omar, ang sinasabing nagdala ng improvised explosive device sa loob ng Dimaporo Gymnasium ng MSU.
Ayon kay Trinidad, dalawang motorsiklo ang nakuha sa operasyon nang dakipin si Sultan, na inilarawang "accomplice" sa pagpapasabog sa unibersidad.
Patuloy naman ang paghahanap sa iba pang suspek, sabi ni Trinidad.
Apat ang nasawi at may iba pang nasugatan sa nangyaring pagsabog. Dumadalo ang mga biktima sa isang misa.
Una rito, tinukoy ng pulisya ang dalawa sa mga suspek na miyembro ng Dawlah Islamiyah - Maute Group na sina Kadapi Mimbesa alyas “Engineer” at Arsani Membesa, alyas “Khatab.”
Base sa CCTV footage, nakita ang dalawang suspek na lumabas ng unibersidad ilang saglit bago ang pagsabog. --FRJ, GMA Integrated News