Maituturing na malaking biyaya ng isang mag-asawang Pinoy nang halikan mismo ni Pope Francis sa noo ang anak nilang kambal sa Mongolia.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, sinabing kabilang sina Cristina at Dennis Yray sa mahigit 2,000 deboto na sumalubong sa Santo Papa sa pagbisita niya sa naturang bansa.
Dahil sa dami ng mga nagsiksikan, nagulat ang mag-asawa na ipinakuha ng Santo Papa ang kanilang kambal sa mga marshall.
Pagkatapos nito, hinalikan ni Pope Francis sa noo ang kambal.
Si Dennis ay tubong Kidapawan at nagtatrabaho bilang refrigeration technician sa Mongolia, samantalang guro naman si Cristina, na taga-Bulacan.
Sa Mongolia na rin isinilang ang kanilang kambal. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News