Ang mga senatorial aspirant na suportado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang karamihan sa mga pasok sa magic 12 ng pinakabagong survey ng Social Weather Stations na ipinagawa ng Stratbase Group.

Sa inilabas na pahayag ng Stratbase Group, nakasaad na ginawa ng SWS ang survey mula December 12-18, 2024, at tinanong ang 2,097 registered voters para pumili ng 12 ibobotong senador kung ngayon gagawin ang halalan.

Ayon sa Stratbase Group, 70 pangalan ang nakalagay sa survey. Tinanong ang mga respondent na: “Narito po ang listahan ng mga pangalan ng mga kandidato para sa mga SENADOR NG PILIPINAS. Kung ang eleksiyon ay gaganapin ngayon, sino ang pinakamalamang ninyong iboboto bilang mga SENADOR NG PILIPINAS? Maaari po kayong pumili ng hanggang 12 pangalan?”

Nanguna sa listahan si House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo, na nakakuha ng 45% ng suporta mula sa mga tinanong tungkol sa kanilang iboboto.

Gayunman, mas mababa ito sa 54% na kaniyang nakuha sa nagdaang SWS senatorial survey.

Ayon sa Stratbase Group, sina Senador Bong Revilla Jr. at Bong Go ang nakakuha ng pinakamalaking pagtaas sa pinakabagong survey.

Nakakuha si Revilla ng 33% kumpara sa 24% na nakuha niya sa survey na ginawa noong Setyembre. Sumunod siya sa puwesto ni Tulfo.

Nasa ikatlo hanggang ika-apat na puwesto si Go na may 32% mula sa dati niyang 18% na nakuha sa nagdaang survey. Kasama niya sa naturang puwesto si Senador Pia Cayetano, na may 32% din.

Nasa ikalimang puwesto si dating Sen. Tito Sotto na may 31%, na bumaba mula sa dating niyang puwesto na pangalawa. Sumunod sina broadcaster Ben Tulfo na pang-anim at may 30% suporta, habang pang-pito si dating Sen. Ping Lacson na 27%.

Nasa ika-walo hanggang ika-siyam na puwesto sina dating Sen. Manny Pacquiao at TV personality Willie Revillame na may tig-26%.

Pang-10 si Makati Mayor Abby Binay, na sinundan sa ika-11 puwesto ni Sen. Lito Lapid.

Magkakasama naman sa ika-12 hanggang ika-14 na puwesto sina Las Pinas Representative Camille Villar, Sen. Imee Marcos at Sen. Bato Dela Rosa na may tig-21%.

Sa naturang mga pangalan, ang mga nakalista na suportado ni Marcos sa senatorial race na gagawin sa May 2025 ay sina Binay, Cayetano, Lapid, Marcos, Revilla, Pacquiao, Lacson, Sotto, Villar at Tulfo (Erwin).

Hindi nakasama sa tinatawag na magic 12 ng naturang survey ang iba pang nakalista sa administrasyon na sina Interior Secretary Benhur Abalos, at Reelectionist Senator Francis Tolentino.

Sina Go, Dela Rosa, at Revillame ay suportado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, habang indepedyente naman si Ben Tulfo.

Sa isang pahayag, kinumpirma ng SWS na ginawa nila ang naturang survey para sa Stratbase Group.

Ang naturang survey ay may sampling error margins na ±2.1% para sa national percentages, ±5.3% para sa Metro Manila, ±3.0% para sa Balance Luzon, at tig- ±5.2% para sa Visayas at Mindanao.— FRJ, GMA Integrated News