Patay ang isang tricycle driver habang sugatan ang kaniyang pasahero matapos mabagsakan ng nabuwal na puno ang minamaneho niyang tricycle sa General Trias, Cavite.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, na iniulat din sa Unang Balita nitong Martes, makikita sa CCTV ang pagdaan ng ilang tricycle sa kalsada ng Barangay San Francisco.

Ilang saglit pa, nabuwal ang isang puno at nabagsakan ang isa sa mga tricycle.

Kinilala ang nasawing driver na si Abelardo Adriano, habang sugatan ang kaniyang pasaherong si Bon Rubia.

Lumabas sa imbestigasyon na lumambot ang lupa na kinatatayuan ng puno matapos ang magkakasunod na pag-ulan sa lugar. —Jamil Santos/KG, GMA Integrated News