Nasawi ang isang lalaki nang saksakin ng 65-anyos niyang kapitbahay na binu-bully niya umano sa Cagayan de Oro City.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, na iniulat din sa Unang Balita nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Agusan.

Base sa imbestigasyon ng kapulisan, pambu-bully ang ugat ng krimen.

Umamin daw ang suspek sa kaniyang nagawa nang mawalan siya ng kontrol sa sarili dahil sa pangungutya umano ng biktima.

Humingi ng tawad ang senior citizen sa pamilya ng biktima.

Nakakulong na ang suspek sa Puerto Police Station. —Jamil Santos/KG, GMA Integrated News