Natutuwa ang SB19 sa pagsikat at tagumpay ng Nation’s Girl Group na BINI dahil kasama sa pangarap ng P-Pop Kings ang pag-angat ng Philippine entertainment industry.
Sa unang bahagi ng kanilang sit-down interview sa “Fast Talk with Boy Abunda,” inilahad ng SB19 members na sina Pablo, Stell, Justin, Ken at Josh ang hangarin nila na makilala rin ang Philippine entertainment industry sa ibang bansa.
“Alam niyo po kasi ever since we had this goal. And ako personally, may idea ako na I wanted to make a change. Not just for us but for the entire industry,” sabi ni Josh.
"Kaya nga po meron kaming studio, meron kaming mga tao. Kasi meron kaming pinangangalagaan na future goal po talaga. And ‘yun po talaga ‘yung for us, end game, na hindi lang siya matatapos dahil sa grupo lang namin. In the future, mas gumanda pa po ‘yung industry ng entertainment dito sa Pilipinas,” pagpapatuloy ni Josh.
Si Pablo naman, inilahad ang vision ng grupo para sa OPM.
"''Pag pumunta ka sa iba't ibang lugar, sasabihin nila, ‘Sobrang talentado ng mga Pilipino.’ Pero feeling ko hindi pa natin nakukuha 'yung recognition na dapat para sa atin. Siguro ‘yun po ‘yung future," sabi ni Pablo.
Dito, kinilala ni Pablo ang pag-usbong ng iba pang Pinoy pop groups, gaya ng BINI.
“Ang dami na pong groups na nag-uusbungan po ngayon, nakikilala katulad ng BINI, other groups, talagang nakikilala na rin all over the world,” sabi niya.
Gusto rin ni Pablo na dumating ang puntong dadayuhin ng ibang bansa ang Pilipinas upang masaksihan ang talento ng mga Pinoy.
"'Yung future po na gusto namin is mailagay talaga ‘yung OPM, na kilala sa buong bansa, magkaroon ng term na tinatawag na P-POP na talagang dadayuhin na 'yung mga foreigner na 'yung pupunta dito para panoorin 'yung concerts natin,” sabi ni Pablo.
"Maraming possible na mangyari once na mabuksan 'yung doors, and hindi tayo malayo dun, nakabukas na siya eh kailangan na ang siya itulak," pagpapatuloy niya.
Nagdebut noong 2018, kilala ang SB19 sa kanilang mga kantang "GENTO," "MAPA," “WYAT” “Bazinga,” at marami pang iba.
Inilabas din nila ang bago nilang single na "Kalakal," na isang kolaborasyon kasama si Gloc-9. Ilulunsad din nila ang kanilang documentary film nitong Agosto 28 na tungkol sa kanilang "PAGTATAG!" era.
Binubuo naman ang BINI nina Jhoanna, Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, at Sheena at trending sa kanilang mga kantang "Salamin, Salamin," "Pantropiko," "Na Na Na," "Lagi," "Karera," at "Huwag Muna Tayong Umuwi."
Inilabas na rin nila ang kanilang latest na kanta na "Cherry on Top.”
Magtutungo sa Korea ang SB19 at BINI sa Seoul, South Korea para mag-perform sa Billboard K Power 100 event, na presented ng Billboard Korea na gaganapin sa Yeong Bin Gwan Hall ng The Shilla Seoul.-- FRJ, GMA Integrated News