Nagsalita na si Sandro Muhlach at inilahad sa isang komite sa Senado ang kaniyang sinapit umano sa loob ng isang kuwarto sa hotel kasama ang independent contractors na sina Jojo Nones at Richard Cruz.
Humarap sa pagdinig ng Senate Committee on Public Information si Sandro via video teleconference, ilang oras matapos niyang isampa sa Department of Justice, kasama ang National Bureau of Investigation, ang reklamong rape laban sa dalawa.
Ito ang unang pagkakataon na nagsalita si Sandro sa komite na pinamumunuan ni Senador Robin Padilla, na tumatalakay sa usapin ng sexual harassment sa entertainment industry.
Kinumpirma ni Sandro sa naturang pagdinig ang palitan nila ng text messages ni Nones noong madaling araw nang mangyari ang insidente, na nagsabi umano sa kaniya na may mga kasamang "drama people" sa kuwarto.
BASAHIN: Niño Muhlach, inilabas ang palitan ng text messages ng anak na si Sandro at ni Jojo Nones
Sabi pa ng aktor, nakainom na umano sina Nones at Cruz nang makita niya.
Humiling si Sandro ng executive session sa komite pagdating sa mga sensitibong pangyayari sa kuwarto.
Matapos ang executive session, tinanong ni Sen. Jinggoy Estrada si Sandro kung ano ang naramdaman niya nang painomin umano siya ng wine at may ipinasinghot ang dalawa.
"Tuloy-tuloy ang pag-inom mo ng wine hanggat malasing ka. Nanghina ka ba?" tanong ni Estrada na inayunan naman ni Sandro.
Patuloy pa ng senador sa kaniyang tanong, "Nu'ng pinapasinghot ka nitong dalawa, ano ang nararamdaman mo? Were you high? Nanghina ka ba?"
Sagot ni Sandro, "Minanhid po ako, your honor."
Nang tanungin ni Estrada si Sandro kung nangyari ang pang-aabuso nang humiga siya sa kama, na sinabi naman ni Sandro na, "Hindi po ako nag lie down. Hinila po ako sa bed."
Ayon kay Sandro, si Nones umano ang humila sa kaniya sa kama.
"That started everything," tanong ni Estrada.
"Yes po, your honor," sagot naman ni Sandro. —mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News