Nadakip ng mga pulis ang isang lalaki dahil sa kasong panggagahasa umano sa menor de edad niyang pamangkin noong tatlong taon na ang nakalipas.

Naaresto ang 28-anyos na akusado sa Brgy. San Juan, Taytay, Rizal noong Linggo.

Kabilang siya sa 'Most Wanted Persons List' ng Rizal province.

Ayon sa pulisya, noong Agosto 2021 naganap ang umano'y panghahalay sa mismong bahay ng noo’y onse anyos na biktima.

Ang tiyuhin, tagabantay raw sa kaniyang pamangkin. 

“Mag-isa lang yung bata na iniwan that time ng kaniyang mga magulang. Ang tito niya mismo ay pinagsamantalahan nga yung 11-year-old na pamangkin niya. Isang beses lang, then tamang tama pabakasyon na sa probinsiya tong mag-ama at yun nagkaroon ng lakas ng loob yung anak na isumbong nga yung nangyari,” ayon kay PCol. Felipe Maraggun, Provincial Director, Rizal Provincial Police Office.

Mariing itinanggi ng akusado ang panggagahasa.

Paliwanag niya, binantayan lang niya ang biktima kasama ang nakakababatang kapatid na apat na taong gulang. 

“Nandun po ko sa bahay ma'am pero wala naman pong nangyaring ganun. Nandun pa po yung isa kong pamangkin. Nagbabantay lang din sa kanila,” sabi ng akusado.

Pero aniya, “siguro yung hipo po siguro meron po… sa pwet siguro.”

Sa custodial facility ng Taytay Municipal Police Station kasalukuyang naka-detain ang akusado na nahaharap sa kasong qualified rape of a minor na walang piyansa. 

—VAL, GMA Integrated News