Arestado ang 31-anyos na lalaking construction worker matapos mahulihan ng marijuana sa Brgy. Batasan Hills Quezon City.
Ayon sa pulisya, nagsasagawa sila ng anti-criminality patrol nang makatanggap ng tawag na nakita ang lalaki malapit sa eskwelahan.
“Nung papalapit na ang ating kapulisan ay tumakbo itong suspek at sa tulong na rin ng mga bystanders na andoon sa area ay nahuli natin siya. In plainview ay nakuhanan natin siya ng isa at kalahating kilo ng marijuana na nakabalot sa isang transparent plastic,” ani Police Lt. Col. Romil Avenido, ang station commander ng Batasan Police.
Nagkakahalaga ang nasabat na marijuana na P180,000
Inaalam pa raw ng pulisya ang pinaka-source ng droga ng suspek.
“Itong suspek ay reportedly nagbebenta ng illegal na droga, shabu at marijuana somewhere in old balara and brgy. Batasan hills. Ang target niya ay mga estudyante na mga eskwelahan,” dagdag ni Lt. Col. Avenido.
Ikalawang beses nang naaresto ng suspek.
August 2021 nang una siyang mahuli dahil sa pagbebenta umano ng shabu.
Kabilang din siya sa drugs watchlist ng barangay at pulisya.
“No comment na lang po ako. Sa korte na lang po siguro,” sabi ng suspek.
Mahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
—VAL, GMA Integrated News