Bagaman may pagkakataon na muntik na silang maghiwalay, sinabi ni Coleen Garcia na naayos nila ni Billy Crawford ang kanilang problema kaya magkasama pa rin sila hanggang ngayon.
“Never kaming nag-break. There were a lot of instances na almost, pero not really, kasi hindi siya pumapayag,” sabi ni Coleen sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes.
“Hindi talaga. Sabi niya ‘No, we’ll fix this. Ipinaglalaban niya talaga always ‘yung relationship,” pagpapatuloy ni Coleen.
Paglilinaw naman ni Coleen, may mga pakiramdam na pasuko na siya hindi dahil sa may nagawa si Billy, kundi dahil “napapagod ako.”
Tinanong ni Tito Boy kung nangyayari ito maging ngayong mag-asawa na silang dalawa.
“Kasi, I think ganoon lang kasi talaga ako Tito Boy,” natatawa sabi ni Coleen. “Ganoon lang talaga ako kalala. ‘Ayoko na, tapos na ako!’ Palagi akong gano’n.”
Ngunit para kay Coleen, si Billy ang kaniyang kabaligtaran na hindi sumusuko.
“It took being with somebody who’s the opposite, who taught me the value of commitment talaga. And nadadala ko siya everywhere in my job, in everywhere,” saad niya.
“Nagpapasalamat talaga ako kay Billy because being married to him really taught me how to be more committed, not just in my marriage but in everything, other relationships, work,” dagdag pa niya.
Ayon pa kay Coleen, si Billy ang nagturo sa kaniya na “‘Pag nandiyan ka na, kailangan ituloy mo, kailangan panindigan mo and you give your best.”
“Sa amin kasi talaga, he really makes such an effort to always fix what’s wrong,” sabi niya.
Kaya para sa mag-asawa, ang pagsuko ay “not on the table.”
Ikinasal sina Billy at Coleen noong Abril 2018 sa Balesin. Isinilang ni Coleen ng anak nilang si Amari noong 2020.--FRJ, GMA Integrated News