Inihayag ni Ysabel Ortega na nakikita niya sa kaniyang manliligaw na si Miguel Tanfelix na maganda ang intensyon sa kaniya ng aktor. Si Miguel naman, kinailangang mag-adjust sa sleeping schedule ng aktres.

“Sa Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, tinanong ni Tito Boy sina Ysabel at Miguel tungkol sa mga nadiskubre nila sa isa’t isa.

“Nakita ko ‘yung work ethic ni Miguel nang walang biases or anything. Kasi when we started to know each other pa, it was like we were friends for more than a year and doon din namin nakita ‘yung work ethic ng isa’t isa. So super nire-respect ko siya as an actor because of that,” sabi ni Ysabel.

Pinasalamatan ni Ysabel si Miguel sa pag-aalaga nito sa kaniya.

“And of course ‘yung good is, napakamaalaga ni Miguel, and sobrang na-a-appreciate ko ‘yun, sobrang patient niya.”

Bukod dito, nakita rin ni Ysabel ang magandang hangarin ni Miguel para sa kaniya, at mas nakilala pa niya ang binata.

“Sobrang patient niya. And sobrang talagang nakikita ko ‘yung intentions niya in all aspects, and ‘yung passions niya sa lahat.”

Natatawa namang sinabi ni Ysabel na may mga pagkakataon na hindi pasensyoso si Miguel sa mga maliliit na bagay.

Si Miguel naman, na-appreciate ang maturity sa relasyon nila ni Ysabel.

“The good muna, siguro sobrang compatible kami ni Ysabel, na kahit may problema kami, napag-uusapan namin in a very mature way,” sabi ni Miguel.

“Importante ‘yun sa pagka may karelasyon ka na kailangan napag-uusapan ‘yung mga problema na hindi nag-aaway, hindi nagsisigawan, hindi galit,” dagdag pa niya.

Ngunit pagdating sa kanilang oras, hindi sila magkatugma kaya nag-a-adjust si Miguel.

“Ang bad is, ala-una [ng hapon] po siya nagigising,” kuwento ni Miguel tungkol kay Ysabel. “Nag-a-adjust po talaga ako ng sleeping schedule ko dahil late rin siya natutulog.”

Sa parehong interview, sinabi nina Ysabel at Miguel na “exclusive” sila sa isa’t isa ngunit hindi minamadali ang kanilang relasyon.

“Alam naman natin na once nagmadali ka sa isang relasyon, puwede masayang ‘yung isang magandang bagay,” sabi ni Miguel. “So… not yet,” pagpapatuloy ni Miguel.

“Pero exclusive?” pahabol na tanong ni Tito Boy.

“Yes, we’re exclusive” tugon ni Miguel. “Ako personally, hindi po ako nanliligaw sa iba.”

Si Ysabel naman, hindi nagpapaligaw sa ibang lalaki.

“Sa ngayon hindi rin ako nagpapaligaw,” saad ng Sparkle actress.—FRJ, GMA Integrated News