Inilahad nina Ysabel Ortega at Miguel Tanfelix ang tunay na estado ng kanilang halos apat na taon nang relasyon.

“I’ll have to put this straight. Are you officially together?” diretsahang tanong ni Tito Boy sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.

“Napag-uusapan natin kanina, may business, nagfi-film school, so hindi po kami in a rush ni Ysabel, and alam naman natin na once nagmadali ka sa isang relasyon, puwede masayang ‘yung isang magandang bagay,” sabi ni Miguel.

“So… not yet,” pagpapatuloy ni Miguel.

“Pero exclusive?” pahabol na tanong ni Tito Boy.

“Yes, we’re exclusive,” tugon ni Miguel. “Ako personally, hindi po ako nanliligaw sa iba.”

Si Ysabel naman, hindi nagpapaligaw sa ibang lalaki.

“Sa ngayon hindi rin ako nagpapaligaw,” saad ng Sparkle actress.

Binigyan din sina Ysabel at Miguel ng pagkakataon na magtanong sa isa’t isa.

“I just wanna know kung genuinely happy ka ba sa kung ano ang meron tayo ngayon?” tanong ni Miguel kay Ysabel.

“Honestly. Of course, super. Hindi mo alam how happy you make me,” tugon ni Ysabel sa binata.

Dito, nagsimulang maging emosyonal si Ysabel sa pagtitiyaga ni Miguel sa panliligaw.

“Siguro ‘yung patience niya na, halos araw-araw kasing magkasama kami. Even if hindi kami magkasama palagi niya akong kinakausap and palagi akong nagra-rant sa kaniya about my problems,” anang dalaga.

“Super grateful ako na palagi siyang nandiyan para makinig sa lahat. Hala bakit ako umiiyak?” maluha-luhang pagpapatuloy ni Ysabel.

Si Ysabel naman ang nagkaroon ng pagkakataon na tanungin si Miguel.

“Question ko is, how long are you willing to love me?” diretsong tanong ni Ysabel kay Miguel.

“Tama ‘yung sinabi ni Tito Boy na love makes you stronger. And ako, never kong nakita ‘yung sarili ko before, so nagugustuhan ko ‘yung version ng sarili ko ngayon kaya I’m willing to wait,” tugon ni Miguel.

"‘Yung patience ko, kahit hindi ako pasensyosong tao, hinahabaan ko nang sobra for you.”

Dati nang inilahad ni Miguel na nililigawan pa lamang niya si Ysabel.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News