Sa isang araw, P300 lang ang kita ng isang ginang na tindera ng ukay-ukay sa Caloocan City. Kaya naman naiyak siya sa tuwa niya nang sabihin sa kaniya ni Isko Moreno ang malaking halagang regalo sa kaniya ng "G Sa Gedli" segment ng "Eat Bulaga."
Sa episode ng programa nitong Lunes, humanga rin sina Isko at Buboy Villar dahil nagawa ng tindera na si Michelle Viray at mister niyang construction worker na maigapang ang pag-aaral ng kanilang mga anak.
Ang isa sa kaniyang anak, nakatapos na ng kolehiyo na magna cum laude pa, at nagtatrabaho na ngayon sa Makati.
Sa panayam kay Nanay Michelle, ikinuwento niya ang sobrang kasiyahan nang umakyat siya sa stage nang magtapos ang kaniyang anak para sabitan niya ng medalya.
Ipinagmamalaki rin niya ang kaniyang anak na nagsikap at nagtiis din sa pag-aaral na P100 lang ang baon kada araw. Natutuwa siya na hindi naging pasaway ang anak at nakinig sa kaniyang payo na mag-aral nang mabuti.
Aniya, para silang dumaan sa butas ng karayom sa mga nalampasan nilang pagsubok sa buhay.
Para kay Nanay Michelle, kapag nakapagtapos ang isang tao at nagkaroon na ng trabaho, makakain na nito ang mga gustong kainin, gaya ng nararanasan na ngayon ng kaniyang anak na cum laude.
"Yung pancake P500. (Sabi ko) 'Ang mahal 'nak,'" masaya at natatawa niyang kuwento. "Sabi niya, 'Ma noon ko pa tinitingyan 'yon nung nag-aaral ako. Ngayon nakakain ko na."'
Pangarap raw nila na magkaroon ng sariling bahay na kanilang pagsisikapan dahil nakikita lang sila ngayon sa kaniyang ina.
Sabi pa ni Nanay Michelle, hindi siya magastos at talagang nagtitipid dahil ayaw niyang magutom ang kaniyang limang anak. Naiisip din niya ang maaaring mangyari sa mga susunod na araw.
"Kasi sa isang taon hindi naman natin alam ang buhay. Kaya hindi puwedeng ubusin ang pera. Isipin mo palagi yung kinabukasan, yung dadating. Yung nakaraang may pandemic, iniisip ko minsan paano kami nakaraos," saad niya.
Sabi pa niya, "Hindi ka naman puwedeng dumaing sa ibang tao sa panahon ngayon [kasi may] kaniya-kaniya nang buhay."
Naiyak na si Nanay Michelle nang nireguhan siya nina Yorme at Buboy ng P35,000. Unang pagkakataon daw niyang makahawak ng ganoong kalaking halaga at malaking tulong ito para sa kanilang pamilya.
Kaya payo naman ni Yorme sa mga kabataan, makinig sa payo ng kanilang mga magulang.-- FRJ, GMA Integrated News