Inilahad ng Pinoy girl group na 4th Impact na naging maayos ang pag-alis nila sa ShowBT, na dati ring talent management company ng SB19.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes, inihayag ng magkakapatid na sina Almira, Irene, Mylene, at Celina ang rason ng kanilang paglisan sa naturang ahensiya.
“I guess ho, [‘yung] case po naming magkakapatid is different from SB19 kasi sa kanila is the company invested for them eh,” sabi ni Almira.
“Sa amin kasi, naramdaman namin that — ‘di ba po sa relationship naman kung hindi ka important, parang hindi kami nabibigyan ng spotlight or whatever, kaya sabi namin it’s better na lang po na maging independent. Kaya nagpaalam po kami sa kanila nang maayos,” pagpapatuloy ni Almira.
Matapos nito, self-managed na ngayon ang 4th Impact at nagtatrabaho sa Estados Unidos. Nasa Pilipinas sila ngayon para i-promote ang kanilang bagong self-titled mini album na may limang kanta.
Inamin ng girl group na hindi biro ang buhay sa Amerika.
“Ang hirap po, Tito Boy,” sabi ni Irene.
“Financially,” pagsegundo ni Almira.
Dahil dito, natuto ang magkakapatid na maging driver, magbuhat ng mga sarili nilang gamit at magluto.
Lumipad ang magkakapatid sa U.S. na walang mga koneksiyon, at nakatanggap ng tulong mula sa ilang fans na ipinakilala sila sa iba pang mang-aawit.
Sa parehong interview, binalikan ng 4th Impact ang desisyon nilang lumipad sa US para tuparin ang kanilang mga pangarap, na dati na rin nilang ginawa noong sumali sila sa "The X-Factor" UK.
"[M]ay big management po kami na nagtiwala sa amin and meron lang pong misunderstandings, so kami pong magkakapatid ay, ‘yun po, umalis na po kami sa management na ‘yun,” kuwento ni Almira.
Lumapag sa ika-limang puwesto ang Cercado sisters sa "The X-Factor" UK noong 2015. —VBL, GMA Integrated News