Hindi itinago ng female vocal group na 4th Impact ang kanilang pakiramdam na naging mabagal ang pag-usad ng kanilang career sa Pilipinas, na kung minsan ay tila nagmamakaawa pa sila.
Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, naging panauhin ang grupo na binubuo ng magkakapatid na Almira, Irene, Mylene at Celina Cercado.
"Last year, ang daming nangyari sa group namin and sa mga nakanood ng video namin sa YouTube, nag-break down talaga kami," sabi ni Irene. "Gusto na namin mag-give up talaga. Pagod na rin kami."
Patuloy niya, "We have been trying here in the Philippines, pero walang nangyayari. Parang paulit-ulit na lang. Para kaming nagbe-beg."
Sabi naman ni Almira, "Masakit sa amin kasi hindi namin alam kung kailangan ba namin ulit maging malaki sa ibang bansa ulit para tanggapin po kami dito sa Pinas."
Nasa U.S. ngayon ang grupo para patuloy na abutin ang kanilang pangarap.
"Ang usapan namin, hanggang gusto pa namin, laban lang," ani Almira.
Nakapag-record na sila ng kanilang self-titled E.P. sa tulong ng composers nina Beyonce, Jennifer Lopez, at Ariana Grande, na kanilang ipino-promote ngayon.
Gumawa ng pangalan sa music industry ang 4th Impact nang maging 5th place sila sa U.K. talent competition "X Factor" noong 2015.— FRJ, GMA Integrated News