Emosyonal si Diana Zubiri nang mapag-usapan ang kaniyang yumaong ama, at sinabing hindi siya nagtatanim ng galit sa kabila ng pag-iwan nito sa kanila noong bata pa sila ng kaniyang kapatid.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, tinanong ni Tito Boy si Diana tungkol sa kaniyang ama, na pumanaw ngayong taon lang.

 “Wala po ako masyadong matandaan kasi bata pa lang ako naghiwalay na sila ng mommy ko. Ang naalala ko na lang noong nag-artista na ako, bigla na lang siyang nagpakita ulit tapos nagkabalikan sila saglit, tapos nawala na lang ulit," lahad ni Diana.

"May pain kasi hindi ko siya nakilala, kasi hindi kami naging buo,” dagdag ng aktres.

Ayon pa kay Diana, nagkaayos naman sila ng kaniyang ama noong 2010 pero rin sila nagkaroon ng maayos na ugnayan dahil magkalayo sila ng lugar.

Sa kabila nito, walang sama ng loob si Diana sa kaniyang tatay kahit na hindi naging buo ang kanilang relasyon. Pilit na lang niyang inuunawa kung ano man ang dahilan sa likod ng ginawang pag-iwan nito sa kanila noon.

“Kung hindi man kita na-meet or nakilala bilang isang tatay, that’s okay, I’m okay with that. Hindi na para magtanim ako ng sama ng loob kasi I’m sure naman before kang nagkasakit, I’m sure napagsisihan mo rin naman ‘yun,” sabi ng aktres nang tanungin ni Tito Boy kung may nais siyang sabihin sa ama.

“Hindi ko kasi alam ang sitwasyon niya noong time na ‘yun. Naiintindihan ko, siguro baka dahil may ibang reason kung bakit niya nagawa sa amin ‘yun ng kapatid ko, kung bakit sila naghiwalay, kung bakit hindi siya nakabalik. And hindi na ako magtatanong kung ano ‘yung naging rason,” ani Diana.

“But I’m sure napagsisihan niya na ‘yon, and I’m sure gusto niyang bumawi pero hindi lang siya nakakuha ng chance. Gusto kong palawakin ‘yung isip ko in a positive way para hindi na lang masakit,” pagpapatuloy niya.

Hindi rin napigilang maiyak ni Diana nang mapag-usapan din ang kaniyang mga anak.

“Naisip ko pa lang na hindi ko makita ‘yung mga anak ko, parang hindi ko kaya… Kapag may nababalitaan ako or sa experience ko na iniwan ako ng daddy ko, parang kung gagawin ko ‘yun sa mga anak ko, iisipin ko pa lang, naiiyak na ako,” sabi niya.

Ikinasal sina Diana at Andy Smith noong 2015. Nakabase na sila sa Australia at may tatlong anak. -- FRJ, GMA Integrated News