Inihayag ni Barbie Forteza ang kaniyang paghanga sa kaniyang nobyong  si Jak Roberto at sa ka-loveteam na si David Licauco.

Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, sinabi ni Barbie na hindi nila pinag-uusapan ni Jak ang tungkol sa loveteam niya kay David.

“Wala kasi siya sa aking ipinakitang dahilan para i-explain ko pa sa kaniya ang sitwasyon,” patungkol ng aktres sa tambalan nila ni David.

“Siguro nanggagaling ‘yun sa parehas naming pangarap na maabot ang ganitong klaseng recognition and makilala din. So alam na namin sa sarili namin na suportahan na talaga,” saad pa ni Barbie na leading lady ni David sa upcoming series na “Maging Sino Ka Man.”

Sinabi  rin ni Barbie, hindi na kailangan pang kausapin ni David si Jak tungkol sa kanilang tambalan.

“With David, I’m not sure if he talked to Jak about it. It would have been nice pero hindi kailangan, not necessary. Kahit kasi ako hindi rin namin pinag-usapan ni Jak,” paliwanag niya.

Inilahad ni Barbie ang paghanga niya kina Jak at David na may parehong nagpapakita ng maturity sa sitwasyon.

“It’s more of like maturity for the whole situation sa nangyari. Galing sa aming tatlo, na kahit naman din si David ay isang well known businessman, so alam niya ang mga ganiyan,” anang aktres.

Kaya naman proud si Barbie na nananatili ang pagkakaibigan nilang tatlo.

“Ang pinakamagandang nakuha namin sa trabahong ito ay ‘yung friendship namin hindi nawala. Friendship ni Jak at ni David, friendship namin ni David, ‘yung relationship namin ni Jak, walang nasira,” sabi pa ni Barbie.-- FRJ, GMA Integrated News