Ibinahagi ni Michael V na may nadiskubre siya sa personalidad ng namayapang veteran broadcaster na si Mike Enriquez na ginaya rin nila sa "Bubble Gang."
Sa panayam ng "Balita Ko," binalikan ni Michael o Bitoy ang paggawa nila ng sketch sa "Bubble Gang" na ginaya niya si Mike bilang newscaster na si "Michael Ricketts," at kasama rin ang komedyanteng si "Mang Enriquez."
Ayon kay Bitoy, noong una ay ang newscast na "24 Oras" lang umano ang plano nilang gayahin kaya gumawa sila ng "4 Oras" na comedy sketch.
"Kapag tinitingnan namin sina Tita Mel dati at Sir Mike parang talagang walang tulog. Ang version namin may pahinga rin kami kahit papaano," natatawa niyang paliwanag.
Hanggang sa naisipan na nilang gayahin si Mike.
"Si Sir Mike parang ngayon lang natulog eh no? ngayon lang nagpahinga," biro pa ni Bitoy.
Ayon kay Bitoy, natatangi si Mike dahil sa boses nito at paraan ng paghahatid ng balita.
"Tapos yung very iconic na ubo niya, at saka yung pag-excuse me po niya sa audience. So doon na-inspire kami," sabi pa ng Kapuso Comedy Genius.
Inihayag din ni Bitoy na inakala niya noong una na seryosong tao si Mike pero humanga siya nang makilala na niya ito nang personal na masayahin at palakaibigan.
"Iba yung persona na nakikita mo sa TV tapos iba yung [sa personal] parang matagal na kayong magkaibigan. Kaya napaka-warm yung pagtanggap niya sa amin," kuwento niya.
Makikita umano ang pagiging masayahin tao ni Mike sa wacky photo nito na ipinalagay mismo ni Mike sa kaniyang burol.
"Natutuwa nga ako nung ikinuwento nung pamangkin niya yata 'yon na ni-request daw ni Sir Mike ilagay yung wacky photo dun sa ano niya sa burol niya," ayon kay Bitoy na nagpapakita nang pagiging komedyante rin ni Mike.
Ayon pa kay Bitoy may isang anibersaryo sila sa Bubble Gang na si Mike ang nag-host sa isang segment.
Bukod sa paggaya kay Mike at sa "24 Oras," may ginawa ring sketch ang Bubble Gang sa isa pang programa ni Mike na "Imbestigador" na ginawa nilang "Estimador."
Ipapalabas umano sa "Bubble Gang" ang sketch na kasama si Mike na nakalagay sa special edition ng gag show na nakalagay noon sa DVD.
"Haligi, icon na siya. Haligi siya ng telebisyon," paglalarawan ni Bitoy kay Mike. --FRJ, GMA Integrated News