Nanindigan ang Court of Appeals (CA) sa naunang desisyon nito na pagbayarin ang aktres na si Rosanna Roces ng P3.1 milyon dahil sa paglabag niya ng kontrata sa isang beauty company.
Sa resolution noong Enero 18, ibinasura ng Former Eleventh Division ang motion for reconsideration ni Roses, Jennifer Molina sa tunay na buhay, na kinokontra ang naunang kautusan sa kaniya na bayaran ang Forever Flawless Face and Body Center Inc.
Nakasaad sa dalawang pahinang desisyon na walang bago o "substantial" na argumento sa apela ng aktres na hindi na ikinonsidera ng CA.
"Thus, we find no cogent or compelling reason to alter, modify or reverse the said decision," saad sa ruling na isinulat nina Associate Justice Ramon Bato Jr., na sinang-ayunan nina Associate Justices Ramon Cruz at Pablito Perez.
Hunyo ng nakaraang taon nang pagtibayin ng CA ang desisyon ng isang korte sa Quezon City na nag-uutos kay Roces na bayaran ang Forever Flawless ng P3 milyon dahil sa tatlong insidente ng breach of contract at P100,000 para sa legal fees.
Nagdesisyon ang mababang hukuman noong 2010 na gumawa ng "defamatory imputations with malicious intent" si Roces laban sa Forever Flawless at kay Vicky Belo, isang sikat na dermatologist at presidente at chairman ng Belo Medical Group, sa telebisyon noong 2004.
Niresolba ng ruling ang reklamo ng Forever Flawless na nilabag umano ni Roces ang kaniyang kontrata sa pag-aakusa kay Belo nang pagsasagawa ng "unsatisfactory liposuction" sa kaniya, at pagtawag sa dermatologist na "mere aerobic instructor." Sinabi rin ni Roces na nagkaroon daw ng burns ang Forever Flawless clients. —LDF, GMA News