Sinabihan ni Armed Forces of the Philippine chief General Romeo Brawner Jr. nitong Martes ang mga sundalo ng Pilipinas na maghanda sakaling salakayin ng China ang Taiwan. Kasunod ito ng isinagawang military exercises ng China sa palibot ng Taiwan.
Sa kaniyang talumpati sa anibersaryo ng Northern Luzon Command (Nolcom), sinabi ni Brawner na inaasahan ang naturang command na mangunguna sa operasyon sa pagsagip sa may 250,000 overseas Filipino workers (OFWs) na nasa Taiwan.
“Start planning for actions in case there is an invasion of Taiwan. So ie-extend na natin 'yung sphere of operations natin because if something happens to Taiwan, inevitably we will be involved,” ayon kay Brawner.
“There are 250,000 OFWs working in Taiwan and we will have to rescue them. And it will be the task of Nolcom to be at the front line of that operation,” dagdag niya.
Nitong Martes, sinabi ng militar ng China na ipinadala nito ang kanilang army, navy, air at rocket forces para palibutan ang Taiwan para sa pagsasanay upang harangan ang isla na ayaw magpasakop sa China, ayon sa ulat ng Agence France-Presse.
Iginigiit ng komunistang Beijing na bahagi ng kanilang teritoryo ang demokratikong isla ng Taiwan. Ilang ulit nang nagbanta ang China na handa silang gumamit ng puwersa upang mapasailalim nila ang Taipei.
Idinagdag ng Chinese military, na ang kanilang pagsasanay ay "stern warning and forceful deterrence" sa tinatawag nilang separatists sa Taiwan.
Nitong Lunes, iniulat ng Agence France-Presse na tiniyak ni United States Defense Secretary Pete Hegseth ang "robust, ready and credible deterrence" sa Taiwan Strait.
Ayon kay Brawner, ang susunod na “big conflict” na haharapin ng mga sundalong Pinoy ay hindi ang mga sariling kababayan.
“When I talk about warfare, we are already at war. I am not referring to the kinetic warfare that we see between Ukraine and Russia or between Israel and Hamas. But we are already experiencing cyber warfare, information warfare, cognitive warfare, political warfare. The communist China is already conducting united front works in our country,” sabi ni Brawner.
“So in a world where the security landscape is perpetually changing, your strategic foresight ensures that we are always one step ahead,” dagdag niya.
Patuloy na inaangkin din ng China ang halos buong South China Sea, na sumasakop maging sa mga teritoryo ng ibang bansa, gaya ng Vietnam, Indonesia, Malaysia, Brunei, at ang Pilipinas.— mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News