Hindi maiwasang mangamba ng ilang residente sa Calumpit, Bulacan, lalo na ang mga naliligo sa ilog nito dahil sa pagkakahuli sa isang batang bull shark, na kilalang agresibong uri ng pating. Posible kayang may iba pang pating na mas malaki na nasa ilog?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ng mangingisdang si Roldan de Jesus, na kadalasang bangus ang nalalambat niya sa Angat river na nasa bahagi ng Calumpit.
Pero kamakailan lang, habang nanghuhuli muli ng bangus sa ilog, may naramdaman umano siya sa lambat na malakas ang hatak.
Inakala umano ni de Jesus noong una na baka isadang karpa lang ang kaniyang nalambat. Pero nang maiahon niya ang lambat, nanlaki ang mata niya nang makita na malaki ang isda at mukhang pating.
Ngunit ipinagtaka nila kung papaano nagkaroon ng pating sa ilog na tubig-tabang gayung sa tubig-alat o dagat nabubuhay ang mga pating.
Nang kumalat ang balita tungkol sa pating na nahuli ni de Jesus, kaagad na pinuntahan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang kanilang bahay para makuha ang pating upang maipasuri.
Lumilitaw na juvenile o bata pa lang ang nahuling pating ni de Jesus, na may haba na apat na talampakan, na isang bull shark.
Bagaman sa dagat din nakatira ang mga bull shark, may katangian din umano ang mga ito na manirahan sa tubig-tabang.
Ayon kay de Jesus, buhay ang pating nang mahuli niya pero may kahinaan na.
Dahil sa pagkakahuli sa pating, nangangamba ang ilang residente lalo na ang mga naliligo sa ilog na baka may iba pang pating na mas malaki ang nasa tubig.
Ang isang adult bull shark, kayang lumaki ng 11 talampakan, at kilala itong agresibo.
Pero hindi umano dapat saktan o patayin ang mga bull shark na mahuhuli dahil kasama ito sa listahan ng mga pating protected species o threatened species.
Ang pating na nahuli sa ilog, posibleng papadpad doon sa paghahanap ng pagkain o naligaw lang.
Bagaman unang pagkakataon ito sa Calumpit na may nahuling pating sa ilog, hindi naman para sa bansa.
May mga bull shark umanong nabuhay noon sa lawa ng Taal, at huli silang nakita sa lawa noong 1930s.
Samantala, may nahuli ring bull shark sa isang ilog sa Kumalarang, Zamboanga del Sur noong 2019.
Habang noong 2020, may nalambat din na bull shark sa isang ilog sa Apalit sa Pampanga. -- FRJ, GMA Integrated News