Gulpi ang inabot ng isang dalagita mula sa lima pa niyang kapwa dalagita sa Talisay, Cebu.
Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Balitanghali nitong Martes, mapanonood ang viral video ng magkakasunod na suntok at tadiyak na tinamo ng biktima sa kamay ng mga kapwa niya menor de edad.
Maririnig din ang hagulgol ng biktima sa dalampasigan.
Sa isa pang pagkakataon, napahiga ang dalagita sa baybayin matapos suntukin ng dalagita ring nakaitim.
Sinabi ng Talisay Women and Children's Department na pinagtulungan ang biktima nang saktan umano niya ang ilang dalagita.
Patuloy na inaalam ang ugat ng gulo.
Isinailalim na sa intervention ang biktima at limang menor de edad samantalang ipinatawag sa case conference ang kanilang mga magulang.
Hindi nagbigay ng pahayag ang mga magulang ng mga sangkot.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News