Nadakip ang isang 58-anyos na lalaking isa sa mga most wanted ng Calabarzon dahil sa pagpatay umano sa kaniyang kaibigan dulot ng kanilang away sa komisyon sa lupa sa Rodriguez, Rizal.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, sinabing ikinasa ng Rodriguez Police ang kanilang operasyon para madakip ang target bandang 10 p.m. ng Lunes.

Pagkakumpirma sa kaniyang kinaroroonan, nagtakbuhan na ang mga operatiba. Nadatnang nakikipag-inuman ang target sa isang kubo sa Barangay San Isidro.

Sinubukan pang tumakbo ng target ngunit tuluyan nang nakorner ng pulisya si alyas “Anselmo,” isang construction worker.

Base sa pulisya, ang akusado ang itinuturong pumatay sa isang lalaki noong Nobyembre 2021 dahil umano sa away sa komisyon sa lupa.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Paul Macasa Sabulao, Chief of Police ng Rodriguez Municipal Police Station, miyembro ng Police Capitol ang biktima, na binaril nang nakatalikod ng akusado.

“Ang motive nito ay sa lupa, ‘yung bentahan ng lupa. Mga ibinebentang lupa kung saan nagkakadayaan doon sa commission,” sabi ni Sabulao.

Hunyo 2022 nang ilabas ng korte ang arrest warrant laban sa akusado, na nagtago umano makaraan ang pamamaril.

Base sa imbestigasyon, magkaibigan ang akusado at ang biktima.

Ang akusado, itinanggi na siya ang bumaril sa kaniyang kaibigan.

“Wala po akong kinalaman sa pangyayari, ibinibintang sa akin. Basta nalaman ko na lang na nabaril siya. Hindi po ako nagtago. Nabigla lang ako, ngayon ko lang nalaman. Inosente po,” sabi ng akusado, na nakakulong na sa custodial facility ng Rodriguez Police. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News