Pinakawalan na ng mga awtoridad ang tatlong Pinoy na menor de edad na kasama sa mga inaresto dahil sa pagsasagawa ng hindi awtorisadong political demonstration doon.
Sa ulat ni Nimfa Ravelo sa Super Radyo dzBB nitong Lunes, sinabi umano ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega, na nananatiling nakakulong naman ang 16 pang Pilipino, kabilang ang ina ng tatlong pinalaya.
Natapos na umano ng mga awtoridad sa Qatar nitong weekend ang pagtatanong sa mga babaeng nakakulong, habang isasalang naman sa interegasyon ang mga lalaki.
Sinabi umano ni De Vega na wala pang katiyakan kung puwedeng magpiyansa o kung tuluyang pakakawalan na ang mga Pinoy.
Pero kung matutuloy ang kaso at mapatunayang nagkasala sila, maaaring makulong ng hanggang tatlong taon ang mga Pinoy.
Inaresto ang mga Pinoy noong nakaraang linggo dahil sa pagsasagawa ng political rally para iprotesta ang ginawang pagdakip kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, at dinala sa The Hague para isalang sa pagdinig ng International Criminal Court.
Nilinaw ni De Vega na matagal nang ipinagbabawal sa Qatar ang pagdaraos ng mga kilos protesta. -- FRJ, GMA Integrated News