Sa Bucharest, Romania nahuli-cam ang pagguho ng kalsada at "nilamon" nito ang isang kotse, pati ang bata na kalalabas pa lang mula sa nasabing sasakyan.

Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita na ipinarada ng ginang ang kotse sa gilid ng daan para ihatid ang kanilang 5-anyos na bata sa paaralan.

Pero kabababa pa lang ng bata mula sa sasakyan, bigla nang bumigay ang kalsada at nahulog ang bata pati na ang kotse.

Mabilis namang sumaklolo ang mga nakasaksi pero ang ginang ang naglakas-loob na pumasok sa sinkhole upang kunin ang kaniyang anak.

Isang lalaki rin ang sumunod sa babae sa sinkhole hanggang sa ligtas na nilang nakuha ang bata at naiahon mula sa sinkhole.

Ligtas din na nakaahon mula sa sinkhole ang ginang na napaiyak nang makitang maayos ang lagay ng kaniyang anak.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, bumigay ang kalsada dahil sa erosion sa ilalim dulot ng lumang utility pipe.

Nakadagdag din daw sa sitwasyon ang bigat ang garbage truck na nasa tabi ng kotse.

Dahil sa insidente, nangangamba ang ilang motorista na maulit ang nangyari. Nangako naman ang kanilang opisyal na susuriin ang mga kalsada sa kanilang lugar. --FRJ, GMA Integrated News