Nakipagkagatan ang isang lalaki sa umatake sa kaniyang green anaconda [isang uri ng malaking ahas] upang makaligtas sa pagpalupot nito na nangyari sa Amazon River.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, isinalaysay ng mga nakakita na tumalon ang lalaki sa ilog upang pigilan ang naturang ahas sa posibleng pag-atake nito sa mga batang naglalaro nang mga sandaling iyon.
Nakaligtas ang mga bata, ngunit nalagay naman sa alanganin ang buhay ng lalaki.
Hindi agad nakabitaw sa ahas ang lalaki, kaya nagsimulang sakmalin at puluputan nito ang kaniyang kamay.
Nahirapan maging ang mga tumulong sa pagtanggal dahil sa higpit ng pagkakapulupot ng ahas sa kamay ng lalaki.
Ngunit may isang hindi inaasahan na ginawa ang lalaki: kinagat niya ang anaconda na bumitaw kinalaunan.
Ang mga green anaconda ay maaaring umabot ang haba nang 20 talampakan at may timbang na 550 pounds.
Non-venomous o hindi nakalalason ang kagat ng mga anaconda, ngunit ginagamit nila ang kanilang katawan sa pagpulupot sa kanilang mga biktima hanggang sa hindi na ito makahinga, bago nila lunukin nang buo.
Karaniwang makikita sa mga ilog at sapa ng Amazon ang mga anaconda, na tinatawag ding mga water boa at isa sa mga pinakamalaking ahas sa mundo.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News