Mistulang ibinalibag ng makina na ginagamit na pampiga ng tubo ang isang babae sa isang shop sa Vietnam.

Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakita ang kuha sa CCTV camera sa loob ng isang shop sa Ho Chi Minh sa Vietnam, nang dumaan ang empleyadong babae sa gilid ng naturang makina.

Dahil masikip lang ang espasyo sa pagitan ng makina at pader, sumabit ang jacket na suot ng babae sa tila hawakan ng makina.

Nang magalaw ang hawakan, umikot ito at pumulupot ang jacket na hindi na nagawang mahubad ng babae.

Dito na tila ibinalibag ng makina ang babae na sumirko pabaliktad. Mabuti na lang at hindi tumama ang ulo niya sa sahig.

Isang lalaki rin ang sumaklolo sa kaniya at inalalayan ang makina na muntik nang bumagsak.

Inalis ng lalaki sa saksakan ang makina at tinulungan nito ang babae na makaalis sa pagkakapalupot bago siya dinala sa pagamutan.

Batay sa pagsusuri, nagkaroon ng pinsala sa braso ang babae pero hindi naman malala.

Nangako ang may-ari ng shop na sasagutin ang mga pangangailangan ng kaniyang empleyodo.

Hahanapan din ng ibang puwesto ang makina para hindi na maulit ang insidente. -- FRJ, GMA Integrated News