Naalarma ang mga netizen nang makita ang social media post na isang lalaki sa Mindanao ang ilang beses na nagpaputok ng baril habang hawak ang kaniyang sanggol na anak. Ang naturang lalaki, nagpaunlak ng panayam at nagpaliwanag sa kaniyang ginawa.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," itinago sa pangalang "Freddie" ang naturang lalaki na nagpaputok ng kalibre .9mm na baril habang hawak ang sanggol na isang lalaki.

Kuwento ni Freddie, hiniling niya noon na magkaroon sana siya ng anak na lalaki, at nangako na magpapaputok siya ng baril kapag natupad ito.

Paliwanag pa niya, hindi maganda kapag hindi niya ginawa ang kaniyang pangako.

Napag-alaman na nangyari ang pagpapaputok niya ng baril sa mismong araw ng binyag ng kaniyang bunsong anak na isang lalaki.

May nauna nang tatlong asawa si Freddie, at pawang mga babae ang kaniyang mga naging anak.

Kaya naman ganoon na lang kasidhi ang kaniyang hangarin na magkaroon ng anak na lalaki para mayroong siyang makakasama at makakatulong sa buhay.

Hanggang sa magkaroon siya ng ika-apat na asawa dito na siya nagkaroon ng anak na lalaki--pero hindi lang pala isa, kung hindi apat na.

Inamin ni Freddie na nagpapaputok din siya ng baril sa nauna niyang tatlong anak na lalaki.

Pero hindi rin lang pala para sa mga anak niya ang ginagawa niyang pagpapaputok ng baril. May kuha rin siya ng video na nagpapaputok sa gitna ng kalsada habang maraming tao.

Sanay daw humawak at magpaputok ng baril si Freddie dahil dati siyang miyembro ng Abu Sayyaf Group, at sumuko siya sa gobyerno noong 2017.

Ngunit saan kaya galing ang baril na kaniyang ginagamit sa pagpapaputok ng baril, at ano ang mga kaso na puwede niyang kaharapin sa kaniyang ginagawa? Panoorin ang buong kuwento sa video. -- FRJ, GMA Integrated News