Nauwi sa disgrasya at sunog ang paninigarilyo ng isang lalaki sa India nang itapon niya sa gilid ng daan na may tumagas palang petrolyo ang posporo na ginamit niya para magsindi ng yosi.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita sa kuha ng CCTV camera ang dalawang lalaki na nakatayo sa bangketa sa labas ng tindahan sa Anantapur District, at isa sa kanila ang nagsindi ng sigarilyo.
Pero bago ang insidente, isang nakaparadang motorsiklo sa lugar ang inilipat ng mag-ari nang mapansin niya na nabasa ang puwesto na kinalalagyan ng kaniyang sasakyan.
Maging ang isa sa dalawang lalaking nakatayo sa bangketa ay tila napansin na ang umaagos na likido na petrolyo pala.
Hanggang sa nangyari na nga ang hindi inaasahan nang itapon ng lalaking nagsindi ng sigarilyo ang ginamit niyang posporo sa papunta sa likido na agad nagliyab.
Inabot ng apoy ang isang nakaparadang motorsiklo na bahagyang nasunog ang gulong pero naialis din kaagad sa lugar.
Ngunit sa bilis ng pagkalat ng apoy, ilang tindahan at mga paninda ang napinsala sa lugar.
Sa kabutihang palad, wala namang nasaktan. Ligtas din maging ang lalaking nagsindi ng sigarilyo at ang kaniyang kasama.
Batay sa imbestigasyon, nanggaling ang petrolyo sa lalaking bumili ng tingi sa isang gas station at tumagas kaya napunta sa gilid ng bangketa.--FRJ, GMA Integrated News