Isang lalaki sa India ang inatake ng sawa matapos na magtungo sa talahiban para tumugon sa "tawag ng kalikasan." Inabutan siya ng mga sumaklolo na nakaupo, nakababa ang pantalon at nakapalupot ang sawa sa kaniyang leeg.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing nangyari ang hindi pangkaraniwang insidente sa Jabalpur sa Madhya Pradesh sa India.
Sa video, makikita ang takot na takot na lalaki habang nakaupo sa talahiban na nakababa ang pantalon at may nakapalupot na sawa sa kaniyang leeg.
Dumating ang kaniyang mga kasamahan para saklolohan siya at alisin ang sawa na tinatayang 13 talampakan umano ang haba.
Sinubukan ng mga tao na takutin ang sawa at alisin sa pamamagitan ng pagsingkit ng kahoy pero lalo umanong humigpit ang pagkakapalupot nito sa lalaki.
Dahil ayaw bumitiw ng sawa sa pagkakapalupot, napilitan na ang mga tao na patayin ang ahas.
Ligtas naman ang lalaki at walang tinamong pinsala sa nangyari.
Bagaman walang kamandag ang mga sawa, kaya nilang pumatay sa pamamagitan ng paglingkis o pagpalupot sa kanilang biktima para kainin.
Nitong mga nakaraang taon, ilang insidente ang naiulat na may mga tao na kinain ng sawa. --FRJ, GMA Integrated News